(Ang Pamilya ni Imran)

 بِسْمِ اللَّـهِ الرَّحْمَـٰنِ الرَّحِيمِ

Sa Ngalan ng Allah, ang Pinakamahabagin, ang Pinakamaawain

 

 

1.               Alif, Lam, Mim (mga titik A, La, Ma).

2.               Allah! La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya), ang may Walang Hanggang Buhay, ang Tanging Isa na nagtataguyod at nangangalaga sa lahat ng mga nilalang.

3.               Siya (Allah) ang nagpapanaog ng Aklat (ang Qur’an) sa iyo (O Muhammad) ng may katotohanan, na nagpapatotoo sa mga ipinahayag noong pang una. At Siya ang nagpapanaog ng Torah (mga Batas) at ng Ebanghelyo –

4.               Noong pang una, bilang patnubay sa sangkatauhan, at ipinanaog Niya ang Pamantayan (ng paghatol sa pagitan ng matuwid at mali, ang Qur’an). Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya sa Ayat (mga aral, katibayan, kapahayagan, tanda, atbp.) ng Allah, sa kanila ay mayroong isang kasakit-sakit na kaparusahan; at ang Allah ay Sukdol sa Kapangyarihan, ang Ganap na Nakakapangyari sa Pagpaparusa.

5.               Katotohanan! Walang nalilingid sa Allah maging sa kalupaan at sa mga kalangitan.

6.               Siya ang humubog sa inyo sa sinapupunan (ng ina) sa Kanyang maibigan. La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya), ang Puspos ng Kapangyarihan, ang Tigib ng Kaalaman.

7.               Siya ang nagpapanaog sa iyo (O Muhammad) ng Aklat (ang Qur’an). Dito ay may mga Talata na ganap na maliwanag; ito ang mga pangunahing haligi ng Aklat [ito ang mga talata ng Al Ahkam [mga Kautusan, atbp.], Al Fara’id [mga katungkulang gawain], at Al Hudud [mga legal na batas para sa kaparusahan ng mga magnanakaw, mapangalunya, atbp.]), at ng mga iba pa na hindi lubhang maliwanag (alalaong baga, ang iba ay binigyang paliwanag ni Propeta Muhammad, ang ibang kahulugan naman ay natutuklasan sa patuloy na pag-unlad ng agham at teknolohiya, at ang iba ay tanging ang Allah lamang ang nakakatalos). Kaya’t sa mga iba, na sa kanilang puso ay mayroong pagkalihis (sa katotohanan), sila ay sumusunod sa bagay na hindi ganap na maliwanag, na naghahangad ng Al-Fitnah (pagsamba sa maraming diyus-diyosan, mga pagsubok, atbp.), at naghahanap sa kanyang (Al-Qur’an) nalilingid na kahulugan, datapuwa’t walang sinuman ang nakakabatid ng mga ito maliban sa Allah. Ang mga matatatag sa pananangan sa karunungan ay nagsasabi: “Kami ay sumasampalataya rito; sa kabuuan nito (sa maliwanag at hindi maliwanag na mga Talata), na (ito) ay nagmula sa aming Panginoon.” At walang sinuman ang nakakatanggap ng paala-ala maliban sa mga tao na may pang-unawa.

8.               (Sila ay nagsasabi): “Aming Panginoon! Huwag (Ninyong) hayaan na ang aming puso ay lumihis (sa katotohanan) matapos na kami ay Inyong patnubayan, at kami ay gawaran Ninyo ng habag mula sa Inyo; katotohanang Kayo ang Tagapagkaloob.”

9.               “Aming Panginoon! Katotohanang Kayo ang magtitipon sa sangkatauhan nang sama-sama sa Araw na walang alinlangan. Katotohanang ang Allah ay hindi kailanman sumisira sa Kanyang pangako.”

10.           Katotohanan, sa mga hindi sumasampalataya, ang kanilang mga ari-arian, gayundin ang kanilang mga anak ay hindi makakatulong sa kanila sa anumang (pagnanais) laban sa Allah; at sila ang magiging panggatong sa Apoy.

11.           (Ang kanilang pag-uugali) ay katulad ng mga tao ni Paraon at ng mga nangauna sa kanila; sila ay nagpasinungaling sa Aming Ayat (mga aral, tanda, katibayan, kapahayagan, atbp.), kaya’t sinakmal (winasak) sila ng Allah dahil sa kanilang kasamaan. At ang Allah ay Mahigpit sa Kaparusahan.

12.           O pagbadya (O Muhammad) sa mga hindi sumasampalataya: “Kayo ay magagapi at titipunin nang sama-sama sa Impiyerno, at tunay namang kasuklam-suklam ang pook na ito upang panahanan.”

13.           Mayroon na (ngang) naging Tanda sa inyo (O mga Hudyo) sa dalawang pangkat ng sandatahan na nagkatagpo (sa paglalaban, alalaong baga, sa Digmaan ng Badr); ang isa ay nakikipaglaban tungo sa Kapakanan ng Allah, at ang iba, (sila) ay mga hindi sumasampalataya. Sila (na mga sumasampalataya) ay nakamalas sa kanila (na hindi sumasampalataya) sa kanilang sariling mga mata na dalawang ulit na higit na marami ang kanilang bilang (bagama’t sa katotohanan ay tatlong ulit na marami). At ang Allah ang nagbibigay ng tulong na kalakip ang Kanyang Tagumpay sa sinumang Kanyang maibigan. Katotohanang naririto ang aral sa mga (tao) na may pang-unawa.

14.           Maganda para sa kalalakihan (o sangkatauhan) ang pagmamahal sa mga bagay na kanilang hinahangad; mga babae, mga anak, higit na maraming mga ginto at pilak (kayamanan), mga magagandang kabayo, mga bakahan at mga sakahing lupa. Ito ang kaligayahan ng pangkasalukuyang mundo; datapuwa’t ang Allah ay may mahusay na Sukli (ang Paraiso na may mga ilog na nagsisidaloy) na nasa sa Kanya.

15.           Ipagbadya: “Ipapaalam ko ba sa inyo ang mga bagay na higit na mainam dito? Para sa Al Muttaqun (mga matimtiman, mabubuti at banal na tao), ay mayroong halamanan (Paraiso) sa kanilang Panginoon, na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy. Naririto (ang kanilang) walang hanggang (tahanan) at mga dalisay na asawa (alalaong baga, sila ay walang regla, ihi o dumi, atbp.), at ang Allah ay lubos na nalulugod sa kanila. At ang Allah ang Ganap na Nakakamasid sa (Kanyang) mga alipin.

16.           Sila na nagsasabi: “Aming Panginoon! Katotohanang kami ay sumampalataya, kaya’t kami ay patawarin Ninyo sa aming mga kasalanan at (Inyong) iligtas kami sa kaparusahan ng Apoy.”

17.           (Sila ang) matimtiman sa pagtitiyaga, ang mga tapat (sa Pananalig, sa salita at gawa), ang masunurin na may matapat na debosyon sa pagsamba sa Allah. Ang mga gumugugol (na nagbibigay ng Zakah [katungkulang kawanggawa], at mga tulong sa Kapakanan ng Allah) at mga nananalangin at humihingi ng kapatawaran ng Allah sa mga huling oras ng gabi.

18.           Ang Allah ang nagpapatotoo ng La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya), at ang mga Anghel, at sila na mayroong karunungan (ay nagbibigay din ng ganitong pagpapatotoo); (lagi Niyang) pinapanatili ang Kanyang Katarungan sa (Kanyang) mga nilikha. La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang Diyos maliban sa Kanya [alalaong baga, walang sinuman ang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya]), ang Sukdol sa Kapangyarihan, ang Ganap na Maalam.

19.           Katotohanan, ang pananampalataya sa Paningin ng Allah ay Islam. Ang mga pinagkalooban ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ay hindi nagkakahidwa, maliban (lamang) nang pagkaraang dumatal sa kanila ang karunungan, sa pamamagitan ng pananaghili at pagsuway sa kanilang sarili. At sinuman ang hindi manampalataya sa Ayat (mga aral, katibayan, kapahayagan, tanda, atbp.) ng Allah, kung gayon, katiyakang ang Allah ay Maagap sa pagtawag sa Pagsusulit.

20.           Kaya’t kung sila ay nakikipagtalo sa iyo (O Muhammad), iyong ipagbadya: “Ako ay nagsuko ng aking sarili sa Allah (sa Islam) at (gayundin) ang mga sumusunod sa akin.” At iyong sabihin sa kanila na pinagkalooban ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) at sa mga mangmang (ang paganong Arabo): “Kayo rin ba ay nagsusuko ng inyong sarili (sa Allah sa Islam)?” Kung sila ay gumagawa (nito), sila ay matuwid na napapatnubayan; datapuwa’t kung sila ay nagtatakwil, ang iyong tungkulin ay iparating lamang ang Kapahayagan; at ang Allah ang Ganap na Nakakamasid ng (Kanyang) mga alipin.

21.           Katotohanan! Ang mga hindi sumasampalataya sa Ayat (mga aral, kapahayagan, katibayan, tanda, atbp.) ng Allah at pumapatay sa Propeta ng walang katuwiran (karapatan), at pumapatay sa mga tao na nagtuturo ng makatarungang pakikitungo, ipahayag sa kanila ang kasakit-sakit na kaparusahan.

22.           Sila (nga ang mga tao) na ang mga gawa ay mawawala sa mundong ito at sa Kabilang Buhay, at sila ay walang magiging kawaksi.

23.           Hindi baga ninyo napagmamalas sila na pinagkalooban ng bahagi ng Kasulatan? Sila ay inanyayahan sa Aklat ng Allah upang pagpasyahan ang kanilang hindi pagkakasundo, (ngunit) may isang lipon sa kanila ang tumalikod, at sila ay sumasalungat (tumututol).

24.           Ito’y sa dahilang sila ay nagsasabi: “Ang Apoy ay hindi didila sa amin maliban lamang sa ilang araw.” At ang mga nakahiratihan na nilang gawin (na bulaang gawa) tungkol sa kanilang pananampalataya ay luminlang sa kanila.

25.           Paano (kaya ang mangyayari) kung sila ay Aming tipunin (nang sama-sama sa Araw na walang alinlangan [ang Araw ng Muling Pagkabuhay]), at ang bawat tao ay babayaran nang ganap sa anumang kanyang kinita? At sila ay hindi pakikitunguhan ng walang katarungan.

26.           Ipagbadya (O Muhammad): “O Allah! Ang nag-aangkin ng Kaharian, Kayo ang nagkakaloob ng kaharian sa sinumang Inyong maibigan, at Kayo ang bumabawi sa kaharian sa sinumang Inyong maibigan, at Kayo ang naggagawad ng karangalan sa sinumang Inyong maibigan, at Kayo ang humahamak sa sinumang Inyong maibigan. Nasa sa Inyong mga Kamay ang mabuti. Katotohanang Kayo ay makakagawa ng lahat ng bagay.

27.           Inyong ginawa na ang gabi ay pumasok (lumagom) sa araw (maghapon) at Inyong ginawa na ang araw (maghapon) ay pumasok (lumagom) sa gabi (alalaong baga, ang pagdaragdag at pagkabawas ng oras ng gabi at araw (maghapon) sa panahon ng taglamig at tag-init), Inyong pinalabas ang pagkabuhay (o nabubuhay) mula sa patay, at Kayo ang nagpalabas ng pagkamatay (o patay) mula sa pagkabuhay (o nabubuhay). At Kayo ang nagkakaloob ng Inyong yaman at panustos na walang pagbibilang (pasubali) sa sinumang Inyong maibigan”.

28.           Huwag hayaan na ang mga sumasampalataya ay tumangkilik sa mga hindi sumasampalataya bilang Auliya (tagapangalaga, katulong, kaibigan, atbp.) sa halip ng mga sumasampalataya, at sinuman ang gumawa ng gayon, (sila) ay hindi kailanman tutulungan ng Allah sa anumang paraan, maliban na lamang kung kayo ay katotohanang nangangamba sa panganib mula sa kanila. At ang Allah ay nagbabala sa inyo laban sa Kanyang Sarili (sa Kanyang kaparusahan), at sa Allah ang huling pagbabalik.

29.           Ipagbadya (O Muhammad): “Kahima’t inyong ikubli kung ano ang nasa inyong puso o ilantad ito, ang Allah ang nakakatalos nito, at batid Niya kung ano ang nasa kalangitan at kung ano ang nasa kalupaan. At ang Allah ay makakapangyaring makagawa ng lahat ng bagay.”

30.           Sa Araw na kakaharapin ng bawat tao ang lahat ng mabuti na kanyang ginawa, at ng lahat ng masama na kanyang ginawa; siya ay maghahangad na mayroon sanang malaking agwat sa pagitan niya at ng kanyang kasamaan. At ang Allah ay nagbabala sa inyo laban sa Kanyang Sarili (sa Kanyang kaparusahan), at ang Allah ay Puspos ng Kabaitan sa Kanyang mga alipin.

31.           Ipagbadya (O Muhammad sa sangkatauhan): “Kung (talagang) minamahal ninyo ang Allah, kung gayon, ako ay inyong  sundin (alalaong baga, tanggapin ang Kaisahan ng Allah, sundin ang Qur’an at Gawa ng Propeta), ang Allah ay magmamahal sa inyo at magpapatawad sa inyong mga kasalanan. At ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

32.           Ipagbadya (O Muhammad): “Sundin ninyo ang Allah at ang Tagapagbalita (Muhammad).” Datapuwa’t kung sila ay tumalikod, kung gayon, ang Allah ay hindi nalulugod sa mga hindi sumasampalataya.

33.           Ang Allah ang humirang kay Adan, sa pamilya ni Abraham, at sa pamilya ni Imran nang higit sa lahat ng mga nilalang (ng kanilang kapanahunan).

34.           Mga supling, isa mula sa iba, at ang Allah ang Lubos na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakabatid.

35.           (Gunitain) nang ang asawa ni Imran ay nagsabi: “O aking Panginoon! Ako ay nangako sa Inyo, na ang aking nasa sinapupunan ay iaalay ko tungo sa paglilingkod sa Inyo (malaya sa lahat ng makamundong gawa; upang maglingkod sa Inyong Lugar ng Pagsamba), kaya’t tanggapin Ninyo (siya) mula sa akin. Katotohanan, Kayo ang Lubos na Nakakarinig, ang Ganap na Maalam.”

36.           At nang kanyang maipanganak siya (ang batang si Maria), siya ay nagsabi: “O aking Panginoon! Ako ay nagsilang ng isang sanggol na babae, – at ang Allah ang higit na nakakaalam kung ano ang kanyang ipinanganak, – at ang lalaki ay hindi katulad ng babae, at aking pinangalanan siya ng Maria (sa tuwirang kahulugan ay ‘babaeng tagapaglingkod  ng Allah’), at ako ay humihingi ng pagkalinga (mula) sa Inyo para sa kanya at sa kanyang magiging anak (laban sa kasamaan) ni Satanas, ang itinakwil.”

37.           Kaya’t ang kanyang Panginoon (Allah) ay tumanggap sa kanya (Maria) ng may mabuting pagtanggap. Hinayaan Niya na siya ay lumaki sa kagandahang asal at siya ay itinagubilin sa ilalim ng pangangalaga ni Zakarias. Sa bawat sandali na siya (Zakarias) ay pumapasok sa Al Mihrab (isang silid dasalan o pribadong silid) upang (bisitahin) siya, kanyang natatagpuan siya na maraming pagkain. Siya ay nagsabi: “O Maria! Saan mo ba nakikita ang mga ito? Siya ay nagsabi: “Mula sa Allah.” Katotohanang ang Allah ay nagkakaloob ng ikabubuhay sa sinumang Kanyang maibigan ng walang pagbibilang (pasubali).

38.           At sa sandaling ito, si Zakarias ay nanikluhod sa kanyang Panginoon na nagsasabi: “O aking Panginoon! Ako ay gawaran (Ninyo) mula sa Inyo ng isang mabuting supling. Katotohanang Kayo ang Ganap na Nakakarinig ng panawagan.”

39.           At (di naglaon) ang mga anghel ay tumawag sa kanya, habang siya ay nakatindig sa pananalangin sa loob ng Al-Mihrab (na nagsasabi): “Ang Allah ay naghahatid sa iyo ng masayang balita ni Yahya (Juan) na nananampalataya sa salita na mula sa Allah (alalaong baga, sa pagkalikha kay Hesus [Mangyari nga! At siya ay nalikha! Si Hesus na anak ni Maria]), marangal, na nananatiling malayo sa pakikipag-ulayaw sa mga babae, isang Propeta, at isa sa mga matutuwid.”

40.           Siya (Zakarias) ay nagsabi: “O aking Panginoon! Paano akong magkakaroon ng anak na lalaki, gayong ako ay lubhang matanda na, at ang aking asawa ay baog?” Ang Allah ay nagwika: “Ang Allah ay gumagawa ng anumang Kanyang naisin.”

41.           Siya ay nagsabi: “O aking Panginoon! Gumawa Kayo ng tanda para sa akin.” Ang Allah ay nagwika: “Ang iyong tanda ay mangyayari na ikaw ay hindi makakapangusap sa sangkatauhan sa loob ng tatlong araw maliban lamang sa senyas. At labis mong alalahanin ang iyong Panginoon (sa pamamagitan ng pagpupuri sa Kanya nang paulit-ulit), at luwalhatiin mo (Siya) sa hapon at sa umaga.”

42.           At (gunitain) nang ang mga anghel ay magbadya: “O Maria! Katotohanang ang Allah ay humirang sa iyo, nagpadalisay sa iyo (sa pagsamba sa diyus-diyosan at kawalan ng pananalig), at ikaw ay hinirang nang higit sa lahat ng mga babae ng Alamin (lahat ng mga nilalang, [sa kanyang kapanahunan]).”

43.           “O Maria! Isuko mo ang iyong sarili ng may pagtalima sa iyong Panginoon (sa Allah, sa pagsamba lamang sa Kanya) at magpatirapa ka, at ikaw ay yumukod na kasama ng mga nagpapatirapa.”

44.           Ito ay bahagi ng balita ng Al-Ghaib (ang nakalingid, alalaong baga, ang balita ng mga nakaraang pamayanan na wala kayong kaalaman) na Aming ipinahayag sa iyo (O Muhammad). Ikaw ay wala sa lipon nila nang sila ay magsipaghagis ng mga palaso (o busog) at magpalabunutan kung sino sa kanila ang nararapat na bigyang katungkulan sa pangangalaga kay Maria; at wala ka rin sa kanila nang sila ay nagsisipagtalo.

45.           (Gunitain) nang ipagbadya ng mga anghel: “O Maria! Ang Allah ay naghahatid sa iyo ng masayang balita ng isang Salita (Mangyari nga! At ito ay naganap, alalaong baga, si Hesus na anak ni Maria) mula sa Kanya, ang kanyang pangalan ay tatawaging Mesiyas, si Hesus na anak ni Maria, na itinampok sa karangalan sa mundong ito gayundin sa Kabilang Buhay, at magiging isa sa mga malalapit sa Allah.”

46.           Siya (Hesus) ay mangungusap sa mga tao sa kanyang duyan at sa kanyang pagbibinata, siya ay magiging isa sa mga matutuwid.

47.           Siya (Maria) ay nagsabi: “O aking Panginoon! Papaano akong magkakaroon ng anak (na lalaki) gayong wala pang lalaki ang sumaling sa akin.” Siya (Allah) ay nagwika: “Ito ay magaganap, sapagkat ang Allah ay lumilikha ng Kanyang maibigan.” Kung Siya ay magtalaga ng isang bagay, Siya ay magwiwika lamang ng: “Mangyari nga!”, at ito ay magaganap.

48.           At Siya (Allah) ay magtuturo sa kanya (Hesus) ng Aklat at Al-Hikmah (alalaong baga, ang Sunnah, [mga Gawa], ang pangungusap ng mga Propeta na walang kamalian, ang karunungan, atbp.) at ng Torah (Mga Batas) at ng Ebanghelyo.

49.           At Kanyang hihirangin siya (Hesus) na isang Tagapagbalita sa Angkan ng Israel (na magsasabi): “Ako ay naparito sa inyo na may dalang Tanda mula sa inyong Panginoon; aking huhubugin para sa inyo mula sa malagkit na putik, na katulad nito, ang hugis ng isang ibon, sa pamamagitan ng kapahintulutan ng Allah; at aking pagagalingin siya na ipinanganak na bulag, at ang may ketong, at aking bibigyang muli ng buhay ang patay, sa pamamagitan ng kapahintulutan ng Allah. At ipapaalam ko sa inyo kung ano ang inyong kinakain, at kung ano ang iniimbak ninyo sa inyong mga tahanan. Katotohanang naririto ang isang tanda sa inyo kung kayo ay nananalig.

50.           At ako ay pumarito (sa inyo) na nagpapatotoo kung ano (ang nakapaloob) sa Torah (mga Batas) noong pang una, at upang gawing tumpak (at makatarungan) sa inyo ang ilang bahagi (ng mga bagay) na sa inyo ay ipinagbabawal, at ako ay pumarito sa inyo na may katibayan mula sa inyong Panginoon. Kaya’t pangambahan ninyo ang Allah at ako ay inyong sundin.

51.           Katotohanan! Ang Allah ay aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya’t (tanging ) Siya (lamang) ang inyong sambahin. Ito ang Matuwid na Landas.

52.           At (di naglaon), nang mapag-alaman ni Hesus ang kanilang kawalan ng pananampalataya, siya ay nagsabi: “Sino baga ang aking makakatulong sa Kapakanan ng Allah?” Ang mga disipulo ay nagsabi: “Kami ang mga katulong ng Allah; kami ay sumasampalataya sa Allah at nagbibigay saksi na kami ay mga Muslim (na tumatalima sa Allah).”

53.           Aming Panginoon! Kami ay naniniwala sa anuman na Inyong ipinanaog, at kami ay sumusunod sa Tagapagbalita (Hesus); kaya’t (Inyong) itala kami sa lipon ng mga nagbibigay patotoo (sa Katotohanan, alalaong baga, ang nagsasabi ng “Wala ng iba pang Diyos maliban sa Allah at Siya lamang ang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba).

54.           At sila (ang mga hindi sumasampalataya) ay nagbalak (na patayin si Hesus) at ang Allah ay nagbalak din. At ang Allah ang Pinakamahusay sa lahat ng nagbabalak.

55.           At (gunitain) nang winika ng Allah: “O Hesus! Ikaw ay Aking kukunin at Aking itataas sa Aking Sarili (sa Kanyang piling), at ikaw ay Aking dadalisayin (sa maling paratang at kasinungalingan, na siya ay nagsasabi na siya ay anak ng Allah) sa mga nagpaparatang (nagtutungayaw sa kawalan ng pananampalataya), at Aking gagawin ang mga sumusunod sa iyo (ang mga sumasamba lamang sa Kaisahan ng Allah) na higit na mainam kaysa sa mga walang pananampalataya (sa Kaisahan ng Allah, o sa ibang mga Sugo, o sa mga Banal na Aklat) hanggang sa dumatal ang Araw ng Muling Pagkabuhay. At kayo ay magbabalik sa Akin, at kayo ay Aking hahatulan sa pagitan ninyo sa mga bagay na inyong kinahiratihan na hindi pinagkakasunduan.

56.           At sa mga hindi sumasampalataya, sila ay Aking parurusahan ng matinding kaparusahan sa mundong ito at sa Kabilang Buhay, at sila ay walang magiging kawaksi.

57.           At sa mga sumasampalataya (sa Kaisahan ng Allah) at gumagawa ng kabutihan, ang Allah ay magbabayad sa kanila ng ganap na gantimpala. At ang Allah ay hindi nalulugod sa Zalimun (mga tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan at mapaggawa ng kabuktutan).

58.           Ang (mga bagay) na ito na Aming dinalit sa iyo (O Muhammad) ay mula sa mga Talata at Matalinong Paala-ala (alalaong baga, ang Qur’an).

59.           Katotohanan, ang kahalintulad ni Hesus sa Paningin ng Allah ay katulad ni Adan. Kanyang nilikha siya mula sa alabok, at (Kanyang) winika sa kanya:  “Mangyari nga!” At siya ay nalikha.

60.           (Ito) ang katotohanan mula sa iyong Panginoon, kaya’t huwag kang mapabilang sa mga nag-aalinlangan.

61.           At kung sinuman ang makipagtalo sa iyo tungkol sa kanya (Hesus), matapos (ang lahat) ng kaalamang ito ay dumatal sa iyo (alalaong baga, na si Hesus ay isang alipin ng Allah at wala siyang bahagi ng Pagka-Diyos), iyong ipagbadya (O Muhammad): “Halina kayo,  tawagin natin ang ating mga anak (na lalaki) at inyong mga anak (na lalaki), ang aming kababaihan at inyong kababaihan, ang aming sarili at inyong sarili,- at tayo ay manalangin at tawagin (ng may katapatan) na ang Sumpa ng Allah ay sumapit sa kanila na nagsisinungaling.”

62.           Katotohanan! Ito ang tunay na pahayag (tungkol sa buhay ni Hesus), at La ilaha ill Allah (Wala ng iba pang Diyos maliban sa Allah [Siya lamang ang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba, ang Tangi at Tunay na Diyos na walang asawa o anak]). At katotohanang ang Allah ay Sukdol sa Kapangyarihan, ang Ganap na Maalam.

63.           At kung sila ay magsitalikod (at hindi tumanggap sa mga tunay na katibayan), kung gayon, katiyakang ang Allah ay Ganap na Nakakabatid sa mga gumagawa ng kabuhungan.

64.           Ipagbadya (O Muhammad): “O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano). Halina kayo sa isang salita (usapan) na makatarungan sa pagitan namin at ninyo, na atin lamang sambahin ang Allah, na huwag tayong magtambal ng anumang iba pa sa Kanya, na huwag tayong tumangkilik ng iba pa bilang panginoon maliban sa Allah. At kung sila ay magsitalikod, inyong sabihin: “Maging saksi kayo na kami ay mga Muslim (na tumatalima sa Allah).”

65.           O! Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Bakit kayo nakikipagtalo tungkol kay Abraham, gayong ang Torah (Mga Batas) at Ebanghelyo ay hindi ipinahayag hanggang pagkaraan niya? Wala ba kayong pang-unawa?

66.           Katotohanan, kayo ang mga nakikipagtalo sa mga bagay na wala kayong kaalaman. Bakit kayo nakikipagtalo tungkol sa mga bagay na wala kayong kaalaman? Ang Allah ang nakakaalam at kayo ay walang kaalaman.

67.           Si Abraham ay hindi Hudyo, gayundin naman, siya ay hindi Kristiyano, datapuwa’t siya ay tunay na Muslim na Hanifan (nananalig sa Islam, sa Kaisahan ng Allah, na karapat-dapat lamang na pag-ukulan ng pagsamba) at siya ay hindi nagtatambal ng anuman sa pagsamba sa Allah.

68.           Katotohanan, sa lipon ng sangkatauhan, ang may pinakamainam na pag-aangkin kay Abraham ay sila na nagsitalima sa kanya, at sa Propetang ito (Muhammad), at sila na nagsisampalataya (mga Muslim). At ang Allah ang Wali (Tagapangalaga at Kawaksi) ng mga sumasampalataya.

69.           May isang pulutong sa Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ang nagnanais na ihantong kayo sa pagkaligaw. Datapuwa’t hindi nila magagawang mailigaw ang sinuman maliban sa kanilang sarili, at ito ay hindi nila napag-uunawa.

70.           O! Angkan ng Kasulatan! (mga Hudyo at Kristiyano): “Bakit hindi kayo nananampalataya sa Ayat (sa mga Talata tungkol kay Propeta Muhammad na nasasaad sa Torah [mga Batas] at Ebanghelyo) ng Allah, habang kayo (sa inyong mga sarili) ay sumasaksi (sa katotohanan nito).

71.           O! Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano): “Bakit ninyo binabahiran ang katotohanan ng kasinungalingan at naglilingid sa katotohanan gayong ito ay inyong nababatid?”

72.           At ang isang pulutong sa Angkan ng Kasulatan ay nagsasabi: “Maniwala (kayo) sa umaga sa mga bagay na ipinahayag sa mga sumasampalataya (mga Muslim), at inyong itakwil  ito sa dulo ng araw (maghapon [o takipsilim]), upang sila ay magbalik.”

73.           At huwag maniwala sa sinuman, maliban sa kanya na sumusunod sa inyong pananampalataya. Ipagbadya (O Muhammad): “Katotohanan! Ang tunay na patnubay ay ang Patnubay ng Allah”, at huwag (kang) maniwala na kahit sinuman ay makakatanggap ng katulad ng iyong natanggap (na Kapahayagan), maliban na kanyang sundin ang iyong pananampalataya, kung hindi, sila ay matatali sa iyo sa pakikipagtalo sa harap ng iyong Panginoon. Ipagbadya (O Muhammad): “Ang lahat ng Biyaya ay nasa Kamay ng Allah; Siya ang nagkakaloob sa sinumang Kanyang maibigan.” At ang Allah ay may Ganap na Kasapatan sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, ang Puspos ng Kaalaman.

74.           Siya ang pumipili tungo sa Kanyang habag (sa Islam at Qur’an, at paghirang sa mga Propeta) sa sinumang Kanyang naisin, at ang Allah ang Nagmamay-ari ng Malaking Kasaganaan.

75.           Sa lipon ng Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ay mayrooon, na kung siya ay pagkatiwalaan ng bara ng ginto (isang malaking kayamanan, atbp.), walang pag-aatubili na ito ay kanyang babayaran; at sa lipon nila ay mayroon sa kanila, na kung pagkatiwalaan ng isang piraso ng sensilyong pilak, ay hindi magbabayad nito maliban na sila ay paulit-ulit na singilin, sapagkat sila ay nagsasabi: “Walang maisisisi sa amin kung aming ipagkaluno at kunin ang mga ari-arian ng mga mangmang (mga Arabo).” Datapuwa’t sila ay nagsasabi ng kasinungalingan laban sa Allah habang ito ay kanilang nababatid.

76.           Tunay nga, sinumang tumupad sa kanyang pangako at labis na mangamba sa Allah; katotohanang ang Allah ay magmamahal sa Al-Mutaqqun (mga matimtiman at matutuwid na tao).

77.           Katotohanan, ang mga bumibili ng maliit na pakinabang sa halaga ng Kasunduan sa Allah at (sa) kanilang mga pangako, sila ay walang magiging bahagi sa Kabilang Buhay (Paraiso). Ang Allah ay hindi mangungusap sa kanila, gayundin (Siya) ay hindi titingin sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, gayundin ay hindi Niya dadalisayin sila, at sila ay tatanggap ng kasakit-sakit na kaparusahan.

78.           At katotohanan, sa kanilang lipon ay may isang pulutong na nagbabago (nagpapalit sa kahulugan) ng Aklat sa pamamagitan ng kanilang dila (sa kanilang pagbabasa), upang iyong mapag-akala na ito ay mula sa Aklat, datapuwa’t ito ay hindi mula sa Aklat, at sila ay nagsasabi: “Ito ay mula sa Allah”, subalit ito ay hindi mula sa Allah; at sila ay nagsasabi ng kasinungalingan laban sa Allah habang ito ay kanilang nalalaman.

79.           Hindi (makakapangyari) sa sinumang tao na pinagkalooban ng Allah ng Aklat at Al-Hukm (karunungan at pang-unawa sa mga Batas ng pananampalataya, atbp.) at pagka-Propeta ay mangusap sa mga tao: “Kayo ay maging tagapagsamba sa akin sa halip (na tagapagsamba) ng Allah.” Sa isang banda o taliwas dito, (siya ay nararapat na magsabi): “Maging Rabbaniyyun kayo (mga maalam na tao na nananampalataya at nagsasagawa ng kanilang nalalaman at nangangaral sa iba), sapagkat kayo ay nagtuturo ng Aklat, at ito ay inyong pinag-aaralan.”

80.           Gayundin naman, siya ay hindi mag-uutos na tangkilikin ninyo ang mga anghel at mga propeta bilang panginoon (diyos). Ipag-uutos ba niya sa inyo na mawalan kayo ng pananalig matapos na kayo ay tumalima sa pag-uutos ng Allah?

81.           At (gunitain) nang kunin ng Allah ang Kasunduan ng mga Propeta na nagsasabi: “Kunin ninyo kung anuman ang Aking ibigay sa inyo mula sa Aklat ng Al-Hikmah (pang-unawa sa mga Batas ng Allah, atbp.), hindi magtatagal ay mayroong darating sa inyo na isang Tagapagbalita (Muhammad) na magpapatotoo kung ano ang nasa inyo; nararapat na kayo ay maniwala sa kanya at tulungan siya.” Ang Allah ay nagwika: “Kayo ba ay sumasang-ayon (dito) at inyo bang kukunin ang Aking Kasunduan (na Aking pinagtibay sa inyo)?” Sila ay nagsabi: “Kami ay sumasang-ayon.” Siya (Allah) ay nagwika: “Kung gayon, kayo ay magpatotoo; at Ako ay nasa sa inyo sa lipon ng mga sumasaksi (para rito).”

82.           At kung sinuman ang tumalikod (dito) pagkaroon nito, sila ang Fasiqun (mga mapaghimagsik, ang mga nagtatakwil sa pagsunod sa Allah).

83.           Sila baga ay naghahanap ng iba pang Pananampalataya maliban (pa yaong) na sa Allah (Kaisahan ng Allah, at Siya lamang ang karapat-dapat na pag-ukulan ng pagsamba), samantalang sa Kanya ay tumatalima ang lahat ng mga nilalang sa kalangitan at kalupaan, nang bukal sa kalooban at hindi bukal sa kalooban. At silang lahat sa Kanya ay magbabalik.

84.           Ipagbadya (O Muhammad): “Kami ay sumasampalataya sa Allah at sa anumang ipinanaog sa amin, at sa anumang ipinanaog kay Abraham, Ismail, Isaac, Hakob at Al-Asbat (mga anak na lalaki ni Hakob) at sa mga ipinagkaloob kay Moises, Hesus, at sa mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagbibigay sa kanila ng pagtatangi-tangi sa bawat isa sa kanila, at sa Kanya (Allah) kami ay tumatalima (sa Islam).”

85.           At sinuman ang maghanap ng pananampalataya na iba sa Islam, ito ay hindi kailanman tatanggapin sa kanya, at sa Kabilang Buhay, siya ay isa sa mga talunan.

86.           Paano baga papatnubayan ng Allah ang mga tao na nawalan ng paniniwala matapos na sila ay manampalataya, at matapos na sila ay magbigay saksi na ang Tagapagbalita (Muhammad) ay katotohanan, at matapos ang maliliwanag na katibayan ay dumatal sa kanila? At ang Allah ay hindi namamatnubay sa mga tao na Zalimun (mga tampalasan at mapagsamba sa diyus-diyosan).

87.           Sila (nga) na ang kabayaran, ay (sasapit) sa kanila ang Sumpa ng Allah, ng mga anghel, at lahat ng sangkatauhan.

88.           Sila ay mananatili roon (sa Impiyerno). Ang kanilang kaparusahan ay hindi pagagaanin, gayundin naman, ito ay hindi aantalahin o ipagpapaliban (kahit na sa maigsing sandali).

89.           Maliban sa mga nagsisisi matapos yaon at gumagawa ng kabutihan. Katotohanan, ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

90.           Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya matapos na sila ay manampalataya at sa kalaunan ay nagpatuloy na tumitindi ang kanilang kawalan ng paniniwala (alalaong baga, hindi paniniwala sa Qur’an at kay Propeta Muhammad) – kailanman ang kanilang pagsisisi ay hindi tatanggapin (sapagkat nagsisisi lamang sila sa kanilang dila, ngunit hindi mula sa kanilang puso). At sila ang mga naliligaw.

91.           Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya at namatay habang sila ay hindi nananampalataya, ang (buong) kalupaan na tigib ng ginto ay hindi tatanggapin kahit kaninuman mula sa kanila, kahit na ito ay (kanilang) ialay bilang isang pantubos. Para sa kanila ay isang masakit na kaparusahan at sila ay walang magiging kawaksi.

Bahagi Bilang 4

92.           Sa anumang kaparaanan ay hindi ninyo maaabot ang Al Birr (kabanalan, katuwiran, atbp., ang ipinapakahulugan dito ay ang gantimpala ng Allah, ang Paraiso), maliban na gugulin ninyo (sa Kapakanan ng Allah) ang mga bagay na inyong minamahal; at anumang bagay na inyong gugulin, ang Allah ay ganap na nakakatalos nito.

93.           Ang lahat ng pagkain ay pinapayagan sa Angkan ng Israel, maliban kung ano ang ipinagbawal ni Israel sa kanyang sarili, bago pa ang Torah (mga Batas) ay ipinahayag. Ipagbadya (O Muhammad): “Dalhin ninyo rito ang Torah (mga Batas) at dalitin ito, kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan.”

94.           At kung sinuman ang kumatha ng kasinungalingan matapos ito nang laban sa Allah, sila ay katiyakang Zalimun (mga hindi sumasampalataya, mapagsamba sa mga diyus-diyosan, atbp.).

95.           Ipagbadya (O Muhammad): “Ang Allah ay nagwika ng katotohanan; sundin ninyo ang pananampalataya ni Abraham na Hanifan (paniniwala sa Kaisahan ng Allah at Siya lamang ang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba), at siya ay hindi isa sa Al-Mushrikun (mga pagano, mapagsamba sa maraming diyus-diyosan at hindi naniniwala sa Kaisahan ng Allah).

96.           Katotohanan, ang unang Tahanan (ng pagsamba) na itinalaga sa sangkatauhan ay yaong sa Bakkah (Makkah), puspos ng biyaya, at isang patnubay sa lahat ng mga nilalang.

97.           Sa loob nito ay may mga lantad na Tanda (bilang halimbawa), ang Maqam (ang bahagi na tinindigan) ni Abraham; sinuman ang pumasok dito, siya ay magkakamit ng kapanatagan. Ang Hajj (Pilgrimahe sa Makkah) sa Tahanan ay isang tungkulin na utang ng sangkatauhan sa Allah, sa mga may kakayahang gumugol (sa sasakyan, pagkain at tirahan); at sinuman ang hindi manampalataya (alalaong baga, ang tumalikod sa Hajj [Pilgrimahe sa Makkah]), kung gayon, siya ay hindi nananampalataya (sa Allah), at ang Allah ay hindi nangangailangan ng tulong sa sinuman sa (Kanyang) mga nilalang.

98.           Ipagbadya: “O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Bakit ninyo itinatakwil ang Ayat (mga katibayan, aral, kapahayagan, tanda, atbp.) ng Allah, habang ang Allah ang Saksi sa inyong ginagawa?”

99.           Ipagbadya: “O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Bakit ninyo pinipigilan ang mga sumasampalataya tungo sa landas ng Allah, na (kayo) ay nagnanais na gawin itong baluktot, samantalang kayo (sa inyong sarili) ay saksi (kay Muhammad bilang isang Tagapagbalita ng Allah at sa Islam bilang relihiyon ng Allah)? At hindi nalilingid sa Allah ang inyong ginagawa.”

100.       O! kayong nagsisisampalataya! Kung kayo ay susunod sa isang pangkat ng mga pinagkalooban ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), katotohanang kayo ay kanilang ibabalik sa kawalan ng pananalig matapos na kayo ay manampalataya!

101.       At paano ba kayo mawawalan ng pananampalataya, habang sa inyo ay dinadalit ang mga Talata ng Allah, at nasa lipon ninyo ang Kanyang Tagapagbalita (Muhammad)? At sinuman ang manangan nang matatag sa Allah (alalaong baga, sumunod sa Islam at sa mga ipinag-uutos ng Allah), kung gayon, katiyakang siya ay tunay na napapatnubayan sa tamang landas.

102.       O! kayong nagsisisampalataya! Pangambahan ninyo ang Allah (sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang ipinagbabawal) kung paano Siya nararapat na pangambahan. (Sundin ninyo Siya, magbigay ng pasasalamat sa Kanya at lagi Siyang alalahanin), at huwag (hayaang kayo) ay pumanaw maliban na kayo ay nasa loob (katatayuan) ng Islam (bilang mga Muslim) na may ganap na pagtalima sa Allah.

103.       At kayo ay manangan nang mahigpit, lahat kayo nang sama-sama, sa Lubid ng Allah (alalaong baga, sa Qur’an), at huwag kayong maging magkakahiwalay sa isa’t isa, at inyong alalahanin ang biyaya ng Allah sa inyo, sapagkat kayo ay magkakaaway at Kanyang pinag-isa ang inyong mga puso nang magkakasama, at sa pamamagitan ng Kanyang biyaya ay naging magkakapatid kayo (sa pananampalatayang Islam), at kayo ay nasa bingit na ng Lambak ng Apoy, at Kanyang iniligtas kayo rito. Sa ganito ay ginagawa ng Allah ang Kanyang Ayat (mga katibayan, kapahayagan, aral, tanda, atbp.) na maging maliwanag sa inyo upang kayo ay mapatnubayan.

104.       Hayaang may tumindig mula sa lipon ninyo na mga tao na nag-aanyaya sa lahat ng mabuti (Islam), na nagtatagubilin ng Al Ma’ruf (Kaisahan ng Allah sa Islam, at lahat ng mga ipinag-utos ng Allah na dapat gawin) at nagbabawal sa Al Munkar (pagsamba sa maraming diyus-diyosan, kawalan ng pananalig at lahat ng ipinagbabawal sa Islam). At sila ang magsisipagtagumpay.

105.       At huwag kayong mapabilang sa mga naghihiwa-hiwalay at may pagkakasalungatan sa kanilang sarili matapos ang maliwanag na katibayan ay dumatal sa kanila. Sila ang daratnan ng nakakapangilabot na kaparusahan.

106.       Sa Araw na ito (Araw ng Muling Pagkabuhay), ang ilang mga mukha ay magiging maputi (maliwanag) at ang ilang mukha ay magiging maitim (madilim); at sa kanila na ang mukha ay maiitim (sa kanila ay ipagbabadya): “Kayo ba ay nagtakwil ng pananampalataya matapos na ito ay inyong tanggapin? Kung gayon, inyong lasapin ang kaparusahan (sa Impiyerno) dahilan sa (inyong) pagtatakwil sa Pananampalataya.”

107.       At sa kanila na ang mukha ay magiging maputi (maliwanag), sila ay hahantong sa Habag ng Allah (Paraiso), sila ay mananahan dito magpakailanman.

108.       Ito ang mga Talata ng Allah; dinalit Namin ito sa iyo (O Muhammad) sa katotohanan, at ang Allah ay hindi nagnanais ng kawalang katarungan sa Kanyang mga nilalang.

109.       At ang Allah ang nag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at ng lahat ng nasa kalupaan. At ang lahat ng bagay ay magbabalik sa Allah (upang pagpasyahan).

110.       Kayo (na tunay na naniniwala sa Kaisahan ng Allah at sumusunod kay Propeta Muhammad at sa kanyang mga gawa) ang pinakamainam sa lahat ng mga tao na nilikha sa (lipon) ng sangkatauhan, kayo ay nagtatagubilin ng Al-Ma’ruf (paniniwala sa Kaisahan ng Allah at sa lahat ng ipinag-uutos ng Islam) at nagbabawal sa Al-Munkar (paniniwala sa maraming diyus-diyosan, kawalan ng pananalig, at sa lahat ng ipinagbabawal sa Islam), at kayo ay sumasampalataya sa Allah. At kung ang Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ay sumampalataya lamang, ito (sana) ay higit na mabuti para sa kanila; sa lipon nila ay may ilan na may pananalig, datapuwa’t ang karamihan sa kanila ay Al-Fasiqun (palasuway sa Allah at mapaghimagsik laban sa kautusan ng Allah).

111.       Sila ay hindi makakagawa sa inyo ng kasahulan (kapinsalaan), maliban sa walang saysay na pang-iinis; at kung sila ay lumaban sa inyo, ay ipapakita nila ang kanilang likuran, at sila ay hindi tutulungan.

112.       Ang kawalang dangal ay inilapat sa kanila kahit saan man sila naroroon, maliban kung sila ay nasa ilalim ng kasunduan (ng pangangalaga) mula sa Allah, at mula sa mga tao; sila ang humatak tungo sa kanilang sarili ng Poot ng Allah, at ang pagkawasak ay inilapat sa kanila. Ito’y sa dahilang sila ay hindi nanampalataya sa Ayat (mga katibayan, kapahayagan, aral, tanda, atbp.) ng Allah at pinatay nila ang mga Propeta ng walang katarungan. Ito’y sa dahilang sinuway nila (ang Allah) at nahirati na lumabag nang lagpas sa hangganan (nang pagsuway sa Allah; mga krimen at kasalanan).

113.       Hindi lahat sila ay magkakatulad; ang isang pangkat ng Angkan ng Kasulatan ay tumitindig sa katuwiran, sila ay dumadalit ng mga Talata ng Allah sa mga sandali ng gabi, na nagpapatirapa sa kanilang sarili sa pananalangin.

114.       Sila ay nananampalataya sa Allah at sa Huling Araw; sila ay nagtatagubilin ng Al-Ma’ruf (paniniwala sa Kaisahan ng Allah at pagsunod kay Propeta Muhammad) at nagbabawal sa Al-Munkar (pagsamba sa maraming diyus-diyosan, kawalan ng paniniwala at pagtutol kay Propeta Muhammad); at sila ay nagmamadali (sa lahat) ng mabubuting gawa; at sila ay nasa lipon ng matutuwid.

115.       At anumang mabuti ang kanilang gawin, walang anuman ang itatakwil sa kanila; sapagkat ganap na batid ng Allah kung sino ang Al Muttaqun (mga matimtiman, matutuwid, mabubuting tao).

116.       Katotohanan, ang mga nagtatakwil ng Pananampalataya (hindi sumasampalataya kay Muhammad bilang Tagapagbalita ng Allah at lahat ng kanyang dinala mula sa Allah), ang kanilang mga ari-arian gayundin ang kanilang mga anak ay walang maibibigay na kapakinabangan laban sa Allah. Sila ay magsisipanirahan sa Apoy, dito sila ay mananatili.

117.       Ang kahalintulad ng kanilang ginugugol sa mundong ito ay katulad ng hangin na lubhang malamig; ito ay tumama sa ani ng mga tao na gumawa ng kamalian sa kanilang sarili at puminsala nito (alalaong baga, ang mabuting gawa ng isang tao ay tatanggapin lamang kung siya ay naniniwala sa Kaisahan ng Allah at sa lahat ng mga propeta, kasama na si Hesukristo at Muhammad). Sila ay hindi ipinalungi ng Allah, datapuwa’t sila ang nagpalungi sa kanilang sarili.

118.       O! kayong nagsisisampalataya! Huwag ninyong kunin bilang Bitanah (tagapayo, tagapangalaga, kawaksi, kaibigan, atbp.) ang mga nasa labas ng inyong pananampalataya (mga pagano, Hudyo, Kristiyano at mapagkunwari), sapagkat sila ay hindi titigil na gawin ang kanilang makakaya upang kayo ay pasamain. Sila ay nagnanais na bigyan kayo ng matinding kapinsalaan. Ang pagkamuhi ay ganap nang sumilay sa kanilang bibig, subalit ang inililingid ng kanilang dibdib ay higit na masama. Katiyakan, Aming ginawa na magaan sa inyo ang Ayat (mga kapahayagan, aral, katibayan, tanda, atbp.), kung kayo ay nakakaunawa.

119.       Ah! Kayo ang mga nagmamahal sa kanila datapuwa’t sila ay hindi nagmamahal sa inyo, at kayo ay nananampalataya sa lahat ng mga Kasulatan (alalaong baga, kayo ay naniniwala sa Torah [mga Batas] at Ebanghelyo, samantalang sila ay hindi naniniwala sa inyong Aklat, ang Qur’an). At kung sila ay makadaupang palad ninyo, sila ay nagsasabi, “Kami ay sumasampalataya”. Subalit kung sila ay nag-iisa, kanilang kinakagat ang dulo ng kanilang daliri dahil sa galit sa inyo. Ipagbadya: “Kayo ay maglalaho sa inyong galit.” Katiyakang batid ng Allah kung ano ang (lahat ng lihim) na nasa dibdib.

120.       At kung ang mabuting bagay ay mangyari sa inyo, ito ay nakakapagpalumbay sa kanila, datapuwa’t kung ang ilang kasamaan ay manaig sa inyo, sila ay natutuwa rito. Ngunit kung kayo ay mananatiling matimtiman at maging Al Muttaqun (matiyaga sa pagbabata at pagiging matuwid), wala ni isa mang katiting na kapinsalaan ang magagawa ng kanilang katusuhan sa inyo. Katotohanang ang Allah ang nakakatalos ng lahat nilang ginagawa.

121.       At (gunitain) nang ikaw (O Muhammad) ay lumisan sa iyong mag-anak nang (isang) umaga upang italaga ang mga sumasampalataya sa kanilang puwesto sa digmaan (ng Uhud). At ang Allah ang Ganap na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakaalam.

122.       Nang ang dalawang pangkat sa lipon ninyo ay malapit na sanang mawalan ng pag-asa (damdamin), subalit ang Allah ang kanilang naging Wali (Kapanalig at Tagapangalaga). At ang mga sumasampalataya ay nararapat na magtiwala sa Allah.

123.       At ang Allah ang nagpahintulot sa inyo na maging matagumpay sa Badr, nang kayo ay isa pang mahina at maliit na puwersa. Kaya’t lubha ninyong pangambahan ang Allah (umiwas sa lahat ng uri ng kasalanan at kasamaan na Kanyang ipinagbabawal at higit ninyong mahalin ang Allah sa paggawa ng lahat ng uri ng mabuti na Kanyang ipinag-uutos) upang kayo ay magkaroon ng damdamin ng pasasalamat.

124.       (Gunitain) nang ikaw (O Muhammad) ay magbadya sa mga sumasampalataya, “Hindi pa ba sapat sa inyo na ang inyong Panginoon (Allah) ay nangyaring tumulong sa inyo sa pamamagitan ng tatlong libong anghel; na (Kanyang) ipinanaog?”

125.       “Tunay nga, kung kayo ay mananatiling matiyaga at may kabanalan, at ang kaaway ay lumusob sa inyo; ang inyong Panginoon ay tutulong sa inyo sa pamamagitan ng limang libong anghel na may tatak (ng pagiging katangi-tangi).”

126.       Hindi ito ginawa ng Allah maliban sa isang mensahe ng mabuting balita sa inyo at bilang isang katiyakan (kapanatagan) sa inyong puso. At walang tagumpay malibang nagmula sa Allah, ang Ganap na Makapangyarihan, ang Tigib ng Kaalaman,

127.       Na Kanyang maputol ang isang bahagi ng hindi sumasampalataya, o mailantad sila sa kabuktutan, upang sila ay umurong na bigo.

128.       Hindi para sa iyo (O Muhammad), ngunit para sa Allah ang pagpapasya; kahima’t Siya ay magbigay ng habag (upang patawarin) sila o parusahan sila; katotohanang sila ay Zalimun (mga tampalasan, buhong, buktot, mapagsamba sa diyus-diyosan).

129.       At ang Allah ang nag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. Kanyang pinatatawad ang Kanyang maibigan, at nagpaparusa sa Kanyang maibigan. At ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

130.       O! kayong nagsisisampalataya! Huwag kayong magkamal ng Riba (patubo sa pera at pautang), ng dalawang ulit at patong-patong, datapuwa’t pangambahan (ninyo) ang Allah upang kayo ay maging matagumpay.

131.       At katakutan ninyo ang Apoy, na inihanda sa mga hindi sumasampalataya.

132.       At sundin ang Allah at ang (Kanyang) Tagapagbalita (Muhammad) upang kayo ay magkamit ng habag.

133.       At maging maagap sa pag-uunahan tungo sa kapatawaran ng Allah, at sa Paraiso na kasinglawak na tulad ng kalangitan at ng kalupaan na inihanda sa Al-Muttaqun (mga matimtiman, mabuti, matuwid na tao).

134.       Ang mga gumugugol (sa Kapakanan ng Allah; mga gawang kawanggawa, limos at tulong, atbp.) sa kasaganaan at kahirapan, na nagtitimpi ng galit at nagpapatawad ng mga tao; katotohanang ang Allah ay nagmamahal sa mga gumagawa ng kabutihan.

135.       At yaong (mga tao) na kung sila ay nakagawa ng labag na pakikipagtalik o nagpalungi ng kanilang sarili sa kasamaan, ay nakakaala-ala sa Allah at humihingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan; – at sino pa ba kaya ang magpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Allah? – At hindi matigas ang ulo sa pagpupumilit (sa kamalian) na kanilang nagawa.

136.       Sa ganito, ang gantimpala ay Kapatawaran mula sa kanilang Panginoon, at mga Halamanan na sa ibaba nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso), sila ay mananatili rito magpakailanman. Tunay na napakainam ang ganitong gantimpala sa mga gumagawa (at nagsisikap sa kabutihan ng ayon sa pag-uutos ng Allah).

137.       Maraming mga katulad na pamamaraan (at kasahulan sa buhay) ang nakaharap ng mga pamayanan (mga bansa, na sumasampalataya at hindi sumasampalataya) na nagsipanaw na nang una pa sa inyo (katulad ng inyong nakaharap sa Uhud), kaya’t magsipaglakbay sa kalupaan at pagmasdan kung ano ang kinasapitan ng mga hindi nagsisampalataya (sa Kaisahan ng Allah, sumuway sa Kanya at sa Kanyang mga Tagapagbalita).

138.       Ito (ang Qur’an) ay isang maliwanag na pangungusap sa sangkatauhan, isang patnubay at pagtuturo sa mga (tao) na Al-Muttaqun (mga matimtiman, matuwid at mabuting tao).

139.       Kaya’t huwag kayong maging mahina (laban sa inyong kaaway), at huwag ding malumbay,  kayo ay mangunguna (sa tagumpay) kung katotohanan na kayo ay (tunay) na sumasampalataya.

140.       Kung ang sugat (o pamamatay) ay sumapit sa inyo, tiyakin ninyo na ang katulad na sugat (o pamamatay) ay sumapit din sa iba. At gayundin, ang mga araw (na mabuti at hindi lubhang mabuti) ay Aming ibinigay sa mga tao nang halinhinan, upang masubukan (ng Allah) ang mga sumasampalataya at upang Kanyang matipon ang mga martir mula sa inyong lipon. At ang Allah ay hindi nalulugod sa Zalimun (mga buhong, buktot, tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan).

141.       At upang masubukan ng Allah (o mapadalisay) ang mga sumasampalataya (sa kanilang kasalanan) at mawasak ang mga hindi sumasampalataya.

142.       Napag-aakala ba ninyo na kayo ay makakapasok sa Paraiso bago pa man masubukan ng Allah ang karamihan sa inyo na nakipaglaban (sa Kanyang Kapakanan) at (gayundin) ay (Kanyang) masubukan sila na nanatiling matiyaga?

143.       Katiyakang kayo ay nagnais ng kamatayan (pagiging martir) bago ito ay inyong nakaharap. Ngayon, ito ay inyong napagmalas nang lantaran sa inyong sariling mga mata.

144.       Si Muhammad ay hindi hihigit pa sa isang Tagapagbalita, at katotohanang (marami) ng Tagapagbalita ang pumanaw nang una pa sa kanya. Kung siya ay namatay o napatay, kayo ba ay tatalikod sa inyong mga sakong (bilang hindi nananampalataya)? At siya na tumatalikod sa kanyang sakong, walang anumang katiting na kapinsalaan ang magagawa niya sa Allah, at ang Allah ang magbibigay ng gantimpala sa mga may damdamin ng pasasalamat.

145.       At walang sinuman ang maaaring mamatay maliban sa Kanyang kapahintulutan at sa natataningang araw. At sinuman ang maghangad ng gantimpala sa mundong (ito), Aming ipagkakaloob ito sa kanya; at sinumang maghangad ng gantimpala sa Kabilang Buhay, Aming ipagkakaloob ito sa kanya. At Aming gagantimpalaan ang mga may pagtanaw ng utang na loob.

146.       At marami sa propeta (alalaong baga, marami sa lipon ng mga propeta) ang nakipaglaban (sa Kapakanan ng Allah), at kanyang kasama (na nakipaglaban) ay malaking pangkat ng  relihiyoso at maalam na kalalakihan. Ngunit kailanman, hindi sila nawalan ng pag-asa (sa damdamin at puso) sa anumang sumapit sa kanila tungo sa Landas ng Allah, gayundin ay hindi sila pinanghinaan (ng loob) o ginawang kaaba-aba ang kanilang sarili. At ang Allah ay nagmamahal sa mga matitiyaga.

147.       At sila ay hindi nagsasabi ng anuman maliban sa: “Aming Panginoon! Patawarin Ninyo ang aming mga kasalanan at ang aming paglabag (sa mga tungkulin namin sa Inyo), patatagin Ninyo ang aming mga paa at Inyong pagkalooban kami ng tagumpay laban sa mga hindi nananampalataya.”

148.       Kaya’t ibinigay ng Allah sa kanila ang gantimpala ng mundong ito, at ang pinakamainam na gantimpala ng Kabilang Buhay. At ang Allah ay nagmamahal sa mga gumagawa ng kabutihan.

149.       O! kayong nagsisisampalataya! Kung kayo ay susunod sa mga hindi sumasampalataya, kayo ay kanilang ibabalik sa inyong mga sakong, at kayo ay tatalikod (sa pananampalataya) bilang mga talunan.

150.       Hindi, ang Allah ang inyong Maula (Patron, Panginoon, Kapanalig, Tagapangalaga, atbp.), at Siya ang Pinakamagaling sa lahat ng mga tumutulong.

151.       Kami (Allah) ay maghahasik ng lagim sa puso ng mga hindi sumasampalataya sapagkat sila ay nagtambal ng iba pa sa pagsamba sa Allah, at (tungkol dito), Siya ay hindi nagbigay ng kapamahalaan; ang kanilang tirahan ay Apoy at gaano kasama ang tirahan ng Zalimun (mga buhong, buktot, tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan, atbp.).

152.       At katiyakang tinupad ng Allah ang Kanyang pangako sa inyo habang sila (na inyong kaaway) ay inyong pinapatay sa Kanyang pahintulot; hanggang (sa sandaling) kayo ay nawalan ng katapangan at humantong sa pakikipagtalo tungkol sa utos, at hindi sumunod matapos na maipakita Niya sa inyo (ang labing yaman ng digmaan) na inyong ninanais. Sa lipon ninyo ay mayroong nagnanais sa mundong ito at ang iba ay naghahangad sa Kabilang Buhay. At Kanyang binayaan na kayo ay tumalilis sa (inyong kaaway), upang kayo ay Kanyang masubukan. Datapuwa’t katotohanang kayo ay Kanyang pinatawad, at ang Allah ang Pinakamapagbigay sa mga sumasampalataya.

153.       (At gunitain) nang kayo ay tumalilis (ng may pangingilabot) na hindi man lamang lumilingon sa sinuman, at ang Tagapagbalita (Muhammad) ay nasa inyong likuran na tumatawag sa inyo upang kayo (ay magbalik). Dito, ang Allah ay nagbigay sa inyo ng sunod-sunod na pagkabalisa sa pamamagitan ng kabayaran upang kayo ay maturuan na huwag malumbay sa bagay na nakaalpas sa inyo, gayundin naman sa bagay na sumapit sa inyo. At ang Allah ang Ganap na Nakakatalos ng lahat ninyong ginagawa.

154.       At makaraan ang panganib, Siya ay nagpapanaog ng kapanatagan sa inyo. Ang antok ay nakapanaig sa isang pangkat sa inyo, samantalang ang ibang pangkat ay nag-iisip ng tungkol sa kanilang sarili (kung paano sila makakaligtas, at hindi nagmamalasakit sa iba pa at sa Propeta) at nag-iisip ng mali tungkol sa Allah, – ang kaisipan ng kawalang kaalaman. Sila ay nagsabi, “Kami ba ay mayroong anumang bahagi sa pangyayari?” Ipagbadya (O Muhammad): “Katotohanang ang Allah ang may pag-aangkin sa lahat ng pangyayari.” Itinatago nila sa kanilang sarili ang bagay na wala silang lakas ng loob na ilantad sa iyo, na nagsasabi: “Kung kami ay walang dapat gawin sa pangyayari, walang sinuman sa amin ang masasawi rito.” Ipagbadya: “Kahit na kayo ay namalagi sa inyong tahanan, ang mga itinalaga na mamatay, (sila) ay katiyakang patutungo sa pook ng kanilang kamatayan,” ngunit upang masubukan ng Allah kung ano ang laman ng kanilang puso at Mahis-in (subukan, dalisayin, maibsan) ang mga bagay na nasa inyong puso (mga kasalanan), at ang Allah ang Ganap na Nakakatalos kung ano ang nasa (inyong) dibdib.

155.       Ang mga tumalikod sa (karamihan) ninyo nang araw na ang dalawang pangkat (karamihan ng tao) ay magtagpo (alalaong baga, sa digmaan ng Uhud), si Satanas ang gumawa sa kanila na tumalilis (tumakas sa gitna ng labanan) dahilan sa ilang (kasalanan) na kanilang kinita. Datapuwa’t ang Allah ay katotohanang nagpatawad sa kanila. Katotohanang ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamapagpaumanhin.

156.       O! kayong nagsisisampalataya! Huwag kayong tumulad sa kanila na hindi nananampalataya (mga mapagkunwari) at nagsasabi sa kanilang kapatid kung sila ay naglalakbay sa kalupaan o lumalabas upang lumaban: “Kung sila lamang ay nanatili sa amin, sila sana ay hindi nasawi o napatay,” upang gawin ng Allah na ito ay maging sanhi ng pagsisisi sa kanilang puso. Ang Allah ang nagbibigay ng buhay at nagbibigay ng kamatayan. At ang Allah ang Ganap na Nakakamasid ng anumang inyong ginagawa.

157.       At kung kayo ay napatay o nasawi sa Landas ng Allah, ang kapatawaran at habag mula sa Allah ay higit na mainam kaysa sa lahat nilang naipon (na makamundong kayamanan, atbp.)

158.       At kahit na kayo ay nasawi o napatay, katotohanang sa Allah, kayong (lahat) ay titipunin.

159.       At sa pamamagitan ng habag ng Allah, sila ay inyong pinakitunguhan nang mabanayad. At kung kayo ay naging mabagsik at naging matigas ang puso, sila marahil ay magkakawatak-watak sa paligid ninyo, kaya’t pabayaan ninyo (ang kanilang kamalian), at manawagan (sa Allah) ng kapatawaran sa kanila; at sangguniin sila tungkol sa pangyayari. At kung kayo ay nakagawa na ng pasya, ibigay ninyo ang inyong pagtitiwala sa Allah, katiyakang ang Allah ay nagmamahal sa mga nagtitiwala (sa Kanya).

160.       At kung ang Allah ay tumulong sa inyo, walang sinuman ang makakapanaig sa inyo; at kung kayo ay Kanyang talikdan, sino pa ba kaya maliban sa Kanya ang makakatulong sa inyo? At sa Allah (lamang), hayaan ang mga sumasampalataya ay magtiwala.

161.       Hindi isang katampatan para sa sinumang propeta ang kumuha ng walang katarungan sa isang bahagi ng labing yaman ng digmaan (Ghulul, – magnakaw sa labing yaman ng digmaan bago pa ito paghati-hatiin), at sinuman ang luminlang sa kanyang mga kasamahan  tungkol sa labing yaman ng digmaan, sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay kanyang ilalabas ang bagay na kanyang kinuha (ng walang katarungan). At ang bawat tao ay babayaran nang ganap sa anumang kanyang kinita, – at sila ay hindi pakikitunguhan ng kawalang katarungan.

162.       Siya kaya na sumusunod sa mabuting kaluguran ng Allah (sa hindi pagkuha ng labing yaman ng digmaan ng walang pahintulot) ay katulad niya na humahatak sa kanyang sarili ng Poot ng Allah (sa pamamagitan ng pagkuha ng labing yaman ng digmaan ng walang pahintulot o Ghulul)? – ang kanyang pananahanan ay Impiyerno, – at tunay na pagkasama-sama ang gayong hantungan!

163.       Sila ay nasa magkakaibang antas sa paningin ng Allah, at ang Allah ang Ganap na Nakakamasid ng anumang kanilang ginagawa.

164.       Katotohanang ang Allah ay nagbigay ng malaking biyaya sa mga sumasampalataya nang Kanyang isinugo sa karamihan nila ang isang Tagapagbalita (Muhammad) na nagmula sa kanilang lipon, na dumadalit sa kanila ng Kanyang mga Talata (ang Qur’an), at nagpapadalisay sa kanila (sa mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa kanya) at nagtuturo sa kanila ng nasa Aklat (ang Qur’an) at Al-Hikmah (karunungan at mga gawa ng Propeta, alalaong baga, sawikain, pagsamba, atbp.), samantalang bago pa rito, sila ay nasa lantad na kamalian.

165.       (Ano ang nangyayari sa inyo)? Nang ang isang kapinsalaan ay humampas sa inyo, bagama’t inyong hinampas (ang inyong mga kaaway) na dalawang ulit na matindi, kayo ay nagsasabi: “Saan kaya nanggagaling itong sumapit sa amin?” Ipagbadya (sa kanila), “Ito ay mula sa inyong sarili (dahilan sa inyong masasamang gawa).” At ang Allah ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

166.       Ang inyong pinagdusahan (na kapinsalaan) sa araw (ng Digmaan ng Uhud), nang ang dalawang sandatahan ay magkatagpo ay sa pamamagitan ng kapahintulutan ng Allah, upang Kanyang masubukan ang mga sumasampalataya.

167.       At upang Kanyang masubukan ang mga mapagkunwari, sa kanila ay ipinagbadya: “Halina kayo, tayo ay makipaglaban (tungo) sa Landas ng Allah o (kahit paano) ay ipagtanggol (ninyo) ang inyong sarili.” Sila ay nagsabi: “Kung alam lamang namin na ang paglalaban ay magaganap, katiyakang kami ay susunod sa inyo.” Sila nang araw na ito ay higit na malapit sa kawalan ng pananalig kaysa sa Pananampalataya, na nagsasabi sa kanilang bibig ng bagay na wala sa kanilang puso. At ang Allah ang may ganap na kaalaman sa anumang kanilang ikinukubli.

168.       (Sila ang) nagsabi tungkol sa nasawi nilang mga kapatid habang sila ay nakaupo (sa kanilang tahanan): “Kung sila lamang ay nakinig sa amin, sila sana ay hindi napatay.” Ipagbadya: “Pigilan ninyo ang kamatayan sa inyong sarili kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan.”

169.       Huwag ninyong akalain na ang mga nasawi sa Landas ng Allah ay patay. Hindi, sila ay buhay, sa (piling) ng kanilang Panginoon, at sila ay may mga panustos (o ikabubuhay).

170.       Sila ay nagsasaya sa ipinagkaloob sa kanila ng Allah mula sa Kanyang biyaya, na nagsasaya para sa kapakanan ng mga hindi pa nakasama sa kanila subalit naiwan pa (hindi pa naging martir), sa kanila ay walang daratal na pangangamba, gayundin sila ay hindi malulumbay.

171.       Sila ay nagsasaya sa Biyaya at Kasaganaan mula sa Allah, at hindi hahayaan ng Allah na mawalang kabuluhan ang gantimpala ng mga sumasampalataya.

172.       Ang mga tumugon (sa panawagan) ng Allah at ng (Kanyang) Tagapagbalita (Muhammad), matapos na masugatan; sila na gumawa ng kabutihan at nangamba sa Allah ay mayroong malaking gantimpala.

173.       Ang (mga mapagkunwari) na nagsabi sa mga tao (na sumasampalataya): “Katotohanan, ang mga tao (mga pagano) ay nagtipon-tipon laban sa inyo (na malaking sandatahan), kung gayon, inyong katakutan sila.” Datapuwa’t ito ay lalo (lamang) nagpasidhi sa kanilang Pananampalataya, at sila ay nagsabi: “Ang Allah (lamang) ay sapat na sa amin, at Siya ang Pinakamainam sa Pag-aayos ng lahat ng pangyayari (para sa amin).”

174.       Kaya’t sila ay nagbalik na taglay ang Biyaya at Kasaganaan mula sa Allah. Walang anumang kapinsalaan ang sumaling sa kanila; at sila ay sumunod sa mabuting kaluguran ng Allah. At ang Allah ang nag-aangkin ng Malaking Kasaganaan.

175.       Si Satanas lamang ang nagmumungkahi sa inyo ng pagkatakot sa kanyang auliya (mga kakampi at kaibigan [mga mapagsamba sa diyus-diyosan, walang pananalig sa Kaisahan ng Allah at sa Kanyang Tagapagbalitang si Muhammad]), huwag ninyong katakutan sila, datapuwa’t inyong pangambahan Ako, kung kayo ay (tunay) na sumasampalataya.

176.       At huwag hayaan na sila ay magbigay sa iyo ng kalumbayan (O Muhammad), na nagmamadali sa kawalan ng pananampalataya; katotohanan, wala isa mang katiting na kapinsalaan ang magagawa nila sa Allah. Ito ay kagustuhan ng Allah na huwag silang bigyan ng anumang bahagi ng Kabilang Buhay. Sa kanila ay may malaking kaparusahan.

177.       Katotohanan, ang bumibili ng kawalan ng pananampalataya sa halaga ng Pananalig, walang anumang kasahulan ang magagawa nila sa Allah. Sa kanila ay may malaking kaparusahan.

178.       At huwag hayaan ang mga hindi sumasampalataya ay mag-akala na ang Aming pagpapaliban ng kanilang kaparusahan ay mabuti para sa kanila. Amin lamang ipinagpapaliban ang kanilang kaparusahan upang kanilang dagdagan pa ang kanilang pagiging makasalanan. At sa kanila ay mayroong kahiya-hiyang kaparusahan.

179.       Ang Allah ay hindi mag-iiwan sa mga sumasampalataya sa kalagayan na kinalalagyan ninyo ngayon, hanggang sa Kanyang makita ang pagkakaiba ng masasama at mabubuti. At hindi rin ilalantad sa inyo ng Allah ang mga lihim ng Ghaib (mga bagay na hindi nakikita at lingid sa ating kaalaman), subalit ang Allah ay humihirang ng Kanyang mga Tagapagbalita sa sinuman na Kanyang mapusuan. Kaya’t sumampalataya kayo sa Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita, at sa inyo ay may malaking gantimpala.

180.       At huwag hayaan ang mga mapag-imbot na nagtatago sa mga bagay na ipinagkaloob sa kanila mula sa Kanyang Kasaganaan (Biyaya) ay mag-akala na ito ay mabuti sa kanila (kaya sila ay hindi nagbabayad ng Zakah [katungkulang kawanggawa]). Hindi, ito ay higit na masama sa kanila; ang mga bagay na kanilang itinatago ng may kasakiman ay itatali sa kanilang leeg na katulad ng (kadenang) kuwelyo sa Araw ng Muling Pagkabuhay. At ang Allah ang nag-aangkin ng mga pamana ng kalangitan at kalupaan; at ang Allah ay Ganap na Nakakabatid ng lahat ninyong ginagawa.

181.       Katotohanan, ang Allah ay nakarinig sa pangungusap ng (mga Hudyo) na nagsasabi: “Katotohanang ang Allah ay maralita at tayo ay mayaman!” Aming itatala ang kanilang sinalita at ang kanilang pagpatay sa mga Propeta ng walang katarungan, at Aming wiwikain: “Lasapin ninyo ang kaparusahan ng naglalagablab (na Apoy).”

182.       Ito’y dahil sa gayong (kasamaan) na dinala ng inyong mga kamay sa harapan ninyo. At katiyakang ang Allah ay hindi kailanman naging di-makatarungan sa (Kanyang) mga alipin.

183.       (Magkakatulad) ang (mga Hudyo) na nagsabi: “Katotohanang ang Allah ay tumanggap sa aming pangako na kami ay hindi sasampalataya sa sinumang Tagapagbalita maliban na siya (Tagapagbalita) ay magdala sa amin ng isang handog na sisilain ng apoy (mula sa langit).” Ipagbadya:  “Katotohanang may dumatal sa inyo na mga Tagapagbalita nang una pa sa akin na may maliwanag na mga Tanda, at gayundin kung ano ang inyong hinihingi; kung gayon, bakit kaya sila ay inyong pinatay, kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan?”

184.       At kung sila ay magtakwil sa iyo (O Muhammad), ito ay katulad (din nang nangyari) sa mga Tagapagbalita na nauna sa iyo, na dumatal na may Al-Bayyinat (maliwanag na mga Tanda, katibayan, atbp.) at Kasulatan at Aklat ng kaliwanagan.

185.       Ang bawat isa (o kaluluwa) ay makakalasap ng kamatayan. At sa Araw ng Muling Pagkabuhay lamang, ang inyong kinita ay babayaran nang ganap. At sinuman ang inilayo sa Apoy at tinanggap sa Paraiso, katotohanang siya ay matagumpay. Ang buhay sa mundong ito ay isa lamang pagsasaya ng kalinlangan (isang bagay na mandaraya).

186.       Katiyakang kayo ay susubukan sa inyong kayamanan at mga ari-arian at sa inyong sariling (katawan), at katiyakang kayo ay makakarinig ng lubhang maraming (bagay) na magbibigay sa inyo ng pighati, mula sa kanila na nakatanggap ng Kasulatan nang una pa sa inyo (mga Hudyo at Kristiyano), at mula sa kanila na nagtataguri ng mga katambal sa Allah, datapuwa’t kung kayo ay magtiis sa pagtitiyaga, at maging Al-Muttaqun (mga matimtiman, matuwid at mabuting tao), – kung gayon, katotohanang ito ay magiging isang bagay na magbibigay pasya sa lahat ng mga pangyayari, at ito ay hango sa malalaking bagay, (na nararapat ninyong pananganan sa lahat ng inyong pagpupunyagi).

187.       (At gunitain) nang ang Allah ay kumuha ng isang Kasunduan mula sa kanila na binigyan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) upang gawin ito (ang balita ng pagdatal ni Propeta Muhammad at ng karunungang pangrelihiyon) na maalaman at maging maliwanag sa sangkatauhan, at ito ay huwag itago, datapuwa’t itinapon nila ito sa kanilang likuran at dito ay bumili ng ilang kaaba-abang pakinabang! At katotohanang pinakamasama ang kanilang binili.

188.       Huwag ninyong akalain na ang mga nagsisipagsaya sa bagay na kanilang ginawa (o binili) at naiibigan ay purihin sa anumang kanilang ginawa, – huwag ninyong akalain na sila ay makakatakas sa kaparusahan. Sa kanila ay may kasakit-sakit na kaparusahan.

189.       At sa Allah ang pag-aangkin ng kapamahalaan ng kalangitan at kalupaan, at ang Allah ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

190.       Katotohanan! Sa pagkakalikha ng kalangitan at kalupaan, at sa pagsasalitan ng gabi at araw, katiyakang naririto ang mga Tanda sa mga tao na may pang-unawa.

191.       Ang mga nag-aala-ala sa Allah (nang lagi, at sa pananalangin) nang nakatayo, nakaupo at nakahilig sa kanilang tagiliran, at nag-iisip nang mataman tungkol sa pagkakalikha ng kalangitan at kalupaan (na nagsasabi): “Aming Panginoon! Hindi Ninyo nilikha ang (lahat) ng ito ng walang layunin, luwalhatiin Kayo! (Higit Kayong mataas sa lahat ng mga itinataguri nilang katambal sa Inyo). Inyong gawaran kami ng kaligtasan sa kaparusahan ng Apoy.

192.       Aming Panginoon! Katotohanan, ang sinumang Inyong tanggapin sa Apoy, katiyakang siya ay Inyong winalan ng dangal, at kailanman ang Zalimun (mga mapagsamba sa diyus-diyosan, buktot, tampalasan) ay hindi makakatagpo ng anumang kawaksi.

193.       Aming Panginoon! Katotohanang narinig namin ang panawagan niya (Muhammad) na nananawagan sa Pananampalataya: “Manampalataya (kayo) sa inyong Panginoon,” at kami ay sumampalataya. Aming Panginoon! Patawarin Ninyo ang aming mga kasalanan at burahin ang aming kasamaan, at hayaan kami na mamatay sa kalagayan ng katuwiran na kasama ang Al-Abrar (ang mga tumatalima sa Allah at mahigpit na tumutupad sa Kanyang pag-uutos).

194.       Aming Panginoon! Igawad Ninyo sa amin ang Inyong ipinangako sa pamamagitan ng Inyong mga Tagapagbalita at kami ay huwag Ninyong alisan ng dangal sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sapagkat kailanman ay hindi Kayo sumisira sa (Inyong) pangako.”

195.       Kaya’t ang kanilang Panginoon ay tumanggap sa kanila (sa kanilang pagsusumamo at sa kanila ay tumugon), “Kailanman ay hindi Ko hahayaan na mawala ang gawa ng sinuman sa inyo, maging siya ay lalaki o babae. Kayo ay (magkakapanalig) sa bawat isa, kaya’t ang mga nagsilikas at itinaboy mula sa kanilang tahanan, at nagdusa ng kapinsalaan dahilan sa Aking Kapakanan, at lumaban at napatay sa Aking Kapakanan, katotohanang Aking ipatatawad sa kanila ang kanilang masasamang gawa at sila ay (Aking) tatanggapin sa Halamanan na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso); isang gantimpala mula sa Allah, at na sa Allah ang pinakamainam na mga gantimpala.”

196.       Huwag hayaan ang pagwawaldas (at kasaganaan) ng mga hindi sumasampalataya sa kalupaan ay makalinlang sa inyo.

197.       Isang maigsing pagsasaya; hindi maglalaon, ang kanilang huling hantungan ay Impiyerno; at tunay na pagkasama-sama ng pook na ito upang tigilan.

198.       Datapuwa’t sa kanila na nangangamba sa Kanilang Panginoon, ay mga Halamanan na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso), sila ay mananahan dito (magpakailanman), isang kasiyahan mula sa Allah; at ang na sa Allah ang pinakamainam sa Al-Abrar (ang mga masunurin sa Allah).

199.       At katiyakan, na mayroon sa lipon ng Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), ang sumasampalataya sa Allah at sa bagay na ipinahayag sa inyo, at sa bagay na ipinahayag sa kanila, na nagpapakumbaba sa kanilang sarili sa harapan ng Allah. Hindi nila ipinagbibili ang mga Talata ng Allah sa maliit na halaga; para sa kanila ay may isang gantimpala na nasa kanilang Panginoon. Katotohanang ang Allah ay Maagap sa Pagsusulit.

200.       O! Kayong nagsisisampalataya! Magsipagbata kayo at higit na magtiyaga (ng higit sa inyong kaaway), at bantayan ninyo ang inyong nasasakupan sa pamamagitan nang pagtatalaga ng pangkat na sandatahan sa mga lugar na ang kaaway ay maaaring lumusob sa inyo, at pangambahan ang Allah, upang kayo ay maging matagumpay.

Leave a comment